Sunday, December 20, 2009

AN OPEN LETTER FOR ALL FJC OUTREACHES

Sa lahat ng mga “Faithful” Pastors, Ministry & Cell Leaders, Workers at Members,

Isang mapagpalang pagbati mula sa mga Leaders, workers at kapatiran ng FJC central church.

Ngayong araw na ito ay sabay-sabay nating ipinagdiriwang ang unang pasko ng pagdating ng ating minamahal na Panginoong Jesus sa ating mundo. Ito ay taimtim na panahon ng papuri’t pagsamba, panalangin, pakikinig sa kanyang Salita, pag-aalay ng mga ikapu at love offerings, at lalung-lalo at pasasalamat sa kanyang pagdala ng kaligtasan at kaginhawaan sa ating buhay at sa buhay ng lahat nating kapatiran. Minarapat namin, mula dito sa central church, na mailapat ang tema ng ating pagdiriwang sa pamagat na “Think RED.” At ang talatang gabay ay hinango natin mula sa Lucas 2:11 na nagsasabing: “Ito ay sapagkat sa araw na ito sa lungsod ni David ay ipinanganak sa inyo ang isang Tagapagligtas. Siya ang Cristo na Panginoon.”

Ito ay pagpapaalala sa atin ang Mabuting Balita (o Gospel) ng ating Panginoong Jesus. Ano ang Gospel? Ayon sa 1 Corinto 15:1-5, “1Mga kapatid, ipinaalam ko sa inyo ang ebanghelyo na ipinangaral ko sa inyo na inyo ring tinanggap at inyong pinaninindigan. 2Sa pamamagitan din nito kayo ay ligtas, kapag nanghahawakan kayong matatag sa salitang ipinangaral ko sa inyo, maliban na lamang kung sumampalataya kayo nang walang kabuluhan. 3Ito ay sapagkat ibinigay ko na nga sa inyo nang una pa lamang ang akin ding tinanggap, na si Cristo ay namatay para sa ating mga kasalanan ayon sa mga kasulatan. 4Siya rin ay inilibing at siya ay ibinangon sa ikatlong araw ayon sa mga kasulatan. 5Siya ay nagpakita kay Cefas at gayundin sa labindalawang alagad.” Bottom-line: “Ang ating Panginoong Jesus ay Diyos na nagsakatawang tao na napanganak ni Maria, lumaki sa pangangalaga ni Jose, nagpatuloy sa gawain ng kaharian ng kanyang Ama, ipinako sa krus, namatay para sa ating kasalanan, nabuhay muli, at muling babalik sa mundo natin upang iligtas ang lahat ng tapat sa kanya.” Mga kapatid ang Gospel na ito ay para sa lahat ng Cristiano--bago man sa pananampalataya o matagal ng tumatangkilik sa Diyos. PARA ITO SA LAHAT!

Kahit wala ang katawang laman namin diyan, tayong lahat ay magkakasaman sa diwa at espiritu sa pamamagitan ng patnubay ng Banal sa Espiritu. Ipinamamanhik namin na sa paghahanda ng pag-celebrate sa kapaskuhan at bagong taon huwag nating kalimutan ang tatlong mahahalagang bagay:
  1. Ayusin, palakasin, at pagyamanin natin ang RELATIONSHIP natin para ating mga kamag-anak, kaibigan at mga ka-church
  2. Ipasok at ibahagi natin ang GOSPEL sa ating mga reunion, parties, celebrations, atbp.
  3. Ialay at i-dedicate nating ang ating sarili sa buhay na puno ng HOLINESS.

Kaya don’t forget to THINK RED by focusing on the Gospel this CHRISTMAS and expecting a YEAR OF GREATNESS for 2010. God will make us Experience GREAT POWER, He will lead us to GREAT PEOPLE, and he will send us to GREAT PLACES!


Ang inyong mga Punong-Lingkod,

Pastors TOTO and MITCH
(SIGNED)

KULAY NG PASKO, Ang Nais Ko Ay... by Ate Lotts Fabellore



Green, yellow, red, orange, gold at blue, ilan lamang sa mga kulay na nagbibigay buhay at sigla sa iba’t ibang bagay at aspeto ng kapaskuhan… kadalasan pangit ang husga sa walang masyadong kulay at matindi pa diyan tingin dito’y patay. Sa kabila ng ganitong impresyon sa totoo lang hangad parin ng marami ang Puting Pasko. Kakatuwa talaga ang tao. Pero kung iisipin, kung kulay nga ang Pasko, ano nga kaya ‘to?


Meron kayang ayaw ng White Christmas? Sabi nila’y, Paskong masaya, malaking bonus, may Christmas tree, maraming regalo at pagkain, kantahan, may snow, malamig at pamilyang nagdiriwang na may mainit na samahan. Idagdag mo pa ang mga batang ayaw magmimintis sa kanilang aginaldo. At sino’ng nag-iisa ang di naiinggit sa mga nagmamahalan?


Ngunit minsan, kahit na gaanong paghahangad at pagsisikap, bakit kinababagsakan parin ay ang Blue Christmas? Kung kailan naman magpapasko nu’n pa nawalan ng trabaho, nu’n pa nagkahiwalay, meron ngang mapagsasaluhan wala naman yo’ng gusto mong makasalo. Sa pamilyang may kanya-kanya nang lakad kahit wala ka mang pupuntahan iiwan mo rin ang tahanan, sino’ng gustong mag-solo’? Ito marahil ang malalim na hinagpis ng maraming magulang, ng maraming lolo at lola. Meron namang kumpleto ang pamilya, ang totoo, sobra pa nga! kaya lang mas ramdam ang kalam ng sikmura kaysa sa saya na sila ay magkakasama… nauuwi rin sa wala.


Party! Party! Parties! Sa sobrang enjoyment dito, maaaring Yellow Christmas na nga ito! At sa mga bumubuhos ang peso, dolyar at marami pang “suwerte” , sila marahil ang may Berde o Gintong Pasko. Bakit sila lang? – Ang umaalingawngaw na ungot! Minsan, maririnig mo rin ang inggit sa mga katagang,“ Sila lang ba ang anak ng diyos? ” Pusong may labis-labis na paghahangad ay kahungkagang napakahirap mapunan.


Sa bagay kung tutuusin, ang Pasko naman talaga ay bunga ng masidhing paghahangad ng isang Ama. Tama! Ang masidhing pagnanais na maipadama sa mga tao ang di masukat Niyang pagmamahal. Pambihirang Pag-ibig! Di nga ba’t ibinigay ng Ama ang nag-iisa niyang anak para sa ating kaligtasan. Habang ang mundo’y nagdiriwang sa pagsilang ng Tagapagligtas, ano kaya ang nararamdaman ng Ama na nakakaalam ng pasakit na tatanggapin ng kanyang Anak? At ng Anak na Siyang mag-aalay ng buhay para mabayaran ang ating kasalanan?


Emmanuel, ‘yan ang Kanyang Pangalan, gustong gusto ng Diyos na makapiling ang tao kahit sa mga pagkakataong lumalayo tayo. Pambihirang Pagmamahal! Lahat ay para sa’yo, para sa akin, para sa atin. Ito ang Pasko, Pula ang Pasko…, ang Kanyang paghihirap para sa ating kaginhawaan…., ang Kanyang pagsilang at kamatayan para tayo ay mabuhay ng masaya at kaigaigaya.


Salamat! Salamat! Salamat Ama! Walang humpay na pagpapasalamat at pagsamba ang dapat nating tugon sa Kanya at hindi ang makasariling mga hiling sa kaarawan Niya. Pula ang Pasko, hindi ipinagkait na pinadama ng Ama sa’yo ang kulay na ito upang maipadama mo rin sa mga taong naghahanap at nangangailangan ng Kulay Pasko. TARA MAGKULAY TAYO!